Opisyal na ipinagdiwang ng Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA) ang Buwan ng Wikang Pambansa noong ika-8 ng Agosto, 2025. Kasabay ng selebrasyon, pormal ding binuksan ang bagong gusali ng Sentro ng Wika, Kultura, at Sining (SWKS), na tinawag na “Pamana,” sa Pili Campus.
Sa temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa,” nagsimula ang programa sa isang Misa ng Pasasalamat na sinundan ng pormal na seremonya. Pinangunahan ito nina Dr. Alberto N. Naperi, Pangulo ng CBSUA, at Dr. Leopoldo R. Transona Jr., Direktor ng SWKS at mga miyembro ng Samahan ng mga Tagapagtaguyod ng Wikang Filipino (SATAWFIL).
Nagkaroon din ng ribbon-cutting ceremony na dinaluhan nina Dr. Allan B. Del Rosario, Administrator ng Pili Campus; Dr. Evelyn C. Oliquino, Part Komisyuner ng Bicol; Ginoong Sonny Taugan, Superbisor sa Filipino ng DepEd CamSur; at Dr. Felisa Marbell, SWKS Direktor ng SSU.
Ang pagtatayo ng “Pamana” ay sumisimbolo sa pagpapahalaga ng unibersidad sa wika at kultura, at ang patuloy nitong pakikipagtulungan sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa pagpapayaman ng wikang Filipino, sang-ayon sa 1987 Konstitusyon at Akta Republika bilang 7104.
Binigyang-diin ni Dr. Transona na ang gusali ay magsisilbing sentro ng pagpapahalaga sa mga usaping katutubo at mga pamanang kultural. Aniya, layunin nitong bigyang-puwang ang mga tradisyon at paniniwala na bahagi ng pang-araw-araw na buhay. “Sa pamamagitan ng bulwagang ito, inihahayag ang malaking gampanin, preserbasyon, at promosyon ng wika, kultura, sining at ang kontribusyon nito sa bansa, partikular sa ating rehiyon,” dagdag pa niya.
Mas naging makulay ang pagdiriwang dahil sa mga inihandang pagtatanghal. Kabilang dito ang mga tulang pangwika at tigsik ni Dr. Marbell, mga katutubong sayaw mula sa CBSUA Indayog, at isang natatanging awitin handog ng CBSUA Chorale. | 𝘔𝘨𝘢 𝘭𝘪𝘵𝘳𝘢𝘵𝘰𝘯𝘨 𝘬𝘶𝘩𝘢 𝘯𝘪 𝘑𝘊 𝘙𝘰𝘫𝘢𝘴 𝘢𝘵 𝘑𝘦𝘴𝘴𝘪𝘤𝘢 𝘈𝘯𝘵𝘰𝘯𝘯𝘦𝘵𝘵𝘦 𝘈𝘳𝘵𝘪𝘢𝘨𝘢 (𝘍𝘈𝘔𝘈𝘚)















































































































