CBSUA, PINARANGALAN BILANG HUWARANG AHENSYA SA IMPLEMENTASYON NG GAD BUDGET

Pinarangalan ng Philippine Commission on Women (PCW) ang Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA) bilang isa sa mga nangungunang ahensya sa bansa para sa tamang paglalaan at epektibong paggamit ng Gender and Development (GAD) Budget para sa Fiscal Year 2024.

Iginawad ang prestihiyosong pagkilala sa ginanap na 2024 Top-Performing Agencies in the GAD Budget Awards Ceremony noong Setyembre 25, 2025, sa Crowne Plaza Manila Galleria, bilang pagkilala sa kahanga-hangang pagganap ng unibersidad sa pagpapatupad ng GAD Budget Policy.

Ang CBSUA ay nagpakita ng huwarang pamamahala at nagkamit ng dalawang mataas na pwesto: ika-2 sa mga State Universities and Colleges (SUCs) para sa Highest Organization-Focused GAD Budget Allocation sa buong Pilipinas, at ika-7 sa mga SUCs para sa Highest Total GAD Budget Allocation sa buong bansa.

Tumanggap ng parangal si Dr. Glenn E. Redecilla, Direktor ng Bicol Regional Gender and Development Resource Center, na siyang kumatawan kay CBSUA President Dr. Alberto N. Naperi sa seremonya.

Ayon kay Dr. Redecilla, ang pagkilalang ito ay matibay na patunay sa pangako ng CBSUA na ipagpapatuloy ang pamumuno, pananagutan, at dedikasyon sa pagtataguyod ng mga programang tumutugon sa kasarian; hindi lamang para sa mga kliyente kundi maging para sa organisasyon.

Sa pamamagitan ng patuloy at maayos na alokasyon at paggamit ng pondo ng GAD, patuloy na isusulong ng CBSUA ang pagkakapantay-pantay ng kasarian, women empowerment, at inklusibong pag-unlad sa komunidad.

 

Share on facebook
Share on twitter

Related News