CBSUA, SINIMULAN ANG UNANG SESYON NG “TARA, BASA KITA PAG SABADO

Pormal nang sinimulan ng Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA), sa ilalim ng ABAKADA Project, ang unang sesyon ng “Tara, Basa Kita Pag Sabado”, nitong Hulyo 11, 2026, sa Reading Hub ng Barangay Caroyroyan, Pili, Camarines Sur bilang bahagi ng Tara Magturuwangan Kita Extension Program.

Pinangunahan ni Dr. Raquel M. Reapor, Project Leader ng ABAKADA Project mula sa College of Development Education (CDE) ang aktibidad, katuwang ang Extension Services Division (ESD), Sangguniang Kabataan (SK), at Sangguniang Barangay ng Caroyroyan.

Sampung piling struggling readers mula Grade 1 hanggang Grade 3 ang lumahok sa unang sesyon, kung saan isinailalim sila sa iba’t ibang gawaing idinisenyo upang mapalakas ang kanilang kasanayan sa pagbasa at pag-unawa.

Naging volunteer reading tutors sina Mrs. Christine C. Clarianes at Mrs. Cyren I. Bodino, mga magulang na nagtapos ng pagsasanay sa pagpapabasa sa ilalim ng ABAKADA Project. Tinulungan nila ang bawat bata gamit ang mga estratehiyang angkop sa antas ng kanilang kakayahan sa pagbasa.

Bahagi ang “Tara, Basa Kita Pag Sabado” ng mga programang pang-ekstensiyon ng unibersidad na naglalayong mapalakas ang literasiya ng mga bata sa komunidad sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok ng mga magulang at iba pang katuwang sa edukasyon. | 𝘔𝘨𝘢 𝘭𝘢𝘳𝘢𝘸𝘢𝘯 𝘢𝘵 𝘶𝘭𝘢𝘵 𝘮𝘶𝘭𝘢 𝘬𝘢𝘺 𝘡𝘺𝘳𝘢 𝘉. 𝘏𝘪𝘭𝘢

 

   

Share on facebook
Share on twitter

Related News