SWKS, PINANGUNAHAN ANG PAGDIRIWANG NG PISTA NG SINING SA CBSUA

Bilang bahagi ng selebrasyon ng National Arts Month, pinangunahan ng Sentro ng Wika, Kultura at Sining (SWKS) ang pagdiriwang ng Pista ng Sining sa Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA) noong Pebrero 9, 2026.

Ang pagtitipon ay dinaluhan ng mga student organization mula sa iba’t ibang kampus ng CBSUA na nasa ilalim ng SWKS, mga taga-ugnay ng kampus, mga tagapayo, at mga opisyal ng pamantasan. Sinimulan ang programa sa pagpapasinaya ng Sining Exhibit na pinangunahan ng Pangulo ng Pamantasan na si Dr. Alberto Naperi, Vice President for Academic Affairs na si Dr. Melinda Parro-Pan, at Direktor ng SWKS na si Dr. Leopoldo Transona, Jr. Tampok sa eksibit ang mga obra ng mga student artist, kabilang ang mga painting, mixed media art, at iba pang uri ng sining biswal.

Nakiisa rin ang lahat sa isinagawang parada sa loob ng pamantasan kung saan ibinida ang sayaw na Bicol Pantomina. Iba’t ibang paligsahan at pagtatanghal sa sining ang isinagawa sa programa tulad ng pasiklaban ng banda at majorette, mutya at lakan ng sining, body painting, at Bicol Pantomina.

Nagkaroon din ng pagkakataon na magbahagi ng kaalaman ang inimbitahang panauhin mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na si G. Nile Jordan Breis. Siya ay kasapi ng National Committee on Literary Arts ng NCCA at tumanggap na ng mga pagkilala para sa kaniyang mga ambag sa panitikan tulad ng tula at nobela. Sumentro ang kaniyang mensahe sa tema ng National Arts Month na “Ani ng Sining: Katotohanan at Giting.” Pinuri ng panauhin ang talento ng mga Statean na ipinamalas sa iba’t ibang pagtatanghal.

Bukod sa kaniya, nagbigay din ng maikling mensahe ang Vice President for Academic Affairs at ang opisina ng Campus Administrator.

Nagtapos ang aktibidad sa paggawad ng mga sertipiko at premyo sa mga nagwagi sa iba’t ibang paligsahan. Ang kaganapan ay simula pa lamang ng isang buwang puno ng mga aktibidad. Inaanyayahan ng SWKS ang buong komunidad ng CBSUA na makilahok sa mga paparating pang mga aktibidad tulad ng Arte de Varayte, mga worksyap, atbp.

Share on facebook
Share on twitter

Related News