𝐌𝐆𝐀 𝐌𝐀𝐆𝐒𝐀𝐒𝐀𝐊𝐀 𝐀𝐓 𝐊𝐎𝐎𝐏𝐄𝐑𝐀𝐓𝐈𝐁𝐀 𝐒𝐀 𝐍𝐀𝐆𝐀, 𝐍𝐀𝐆𝐓𝐈𝐏𝐎𝐍 𝐏𝐀𝐑𝐀 𝐒𝐀 𝐔𝐒𝐀𝐏𝐈𝐍 𝐍𝐆 𝐇𝐔𝐂 𝐀𝐓 𝐏𝐀𝐆𝐇𝐀𝐇𝐀𝐍𝐃𝐀 𝐒𝐀 𝐄𝐋 𝐍𝐈Ñ𝐎

Nagtipon ang mga magsasaka, kooperatiba, at iba’t ibang sektor sa isang malawakang forum upang talakayin ang mga hamon at adbokasiya hinggil sa pagiging Highly Urbanized City (HUC) ng Naga at ang maigting na paghahanda sa paparating na El Niño. Ginanap ang noong ika 16 ng Oktubre, 2026 sa Lungsod ng Naga, sa pangunguna ng Naga City People’s Council (NCPC) at ng Central Bicol State University of Agriculture – Bicol Regional Gender and Development Resource Center (CBSUA-BRGDRC), Project GEM sa ilalim ng WE CARE TOGETHER Program.

Sa pambungad na pananalita, binigyang-diin ni Elmer Sto. Domingo Jr., tagapangulo ng NCPC, ang layunin ng forum na naglalayong pag-isahin ang komunidad sa harap ng mga pagbabago sa lungsod. Nagpaabot din ng mensahe ng suporta si Joenel L. Paawan alinsunod sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Kooperatiba tuwing Oktubre.

Samantala, sa kanyang keynote address, inihayag ni Mayor Maria Leonor Leni Gerona Robredo na opisyal nang kuwalipikado ang Naga bilang HUC simula pa noong Mayo 26, 2026. Ayon sa alkalde, nagdulot ito ng pagdagsa ng mga mamumuhunang naghahanap ng lupa at ari-arian sa lungsod, na nagbunga naman ng pagtaas ng halaga ng mga ito. Bilang solusyon, pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan ang maagang pagbili ng lupa upang hindi ito masolo ng mga pribadong mamumuhunan. Ipinunto rin ni Mayor Robredo na bagamat halos 50 porsyento ng lupain sa Naga ay agrikultural, karamihan dito ay hindi na aktibong ginagamit sa pagsasaka. Bukod dito, tinalakay rin niya ang pangkalahatang estado ng lungsod kung saan may humigit-kumulang 1.8 bilyong piso na badyet ang Naga, at binigyang-diin ang kahalagahan ng episyenteng koleksyon ng buwis at ang pagsubaybay ng publiko sa pamamagitan ng Dagyaw ng NCPC. Tinalakay din ang kaligtasan sa kalsada kung saan ginagamit na ang Artificial Intelligence planner sa Mt. Villanueva upang muling ayusin ang National Highway at maiwasan ang mga aksidente, habang ang DPWH ay maglalagay ng mga rumble strips.

Ipinaliwanag naman ni Dr. Agapito C. Rubio Jr., Executive Director ng Center for Research Learning and Development, na ang HUC ay isang legal na klasipikasyon para sa mga lungsod na may mataas na antas ng populasyon, maunlad na ekonomiya, at awtonomiya mula sa lalawigan alinsunod sa Seksyon 452 ng Local Government Code of 1991. Ibinunyag din niya na may 11,000 rehistradong negosyo sa Naga habang may tinatayang 8,500 naman ang hindi rehistrado at itinuturing na micro-enterprises. Sa naganap na open forum, nilinaw ng mga panelista na walang agarang pagbabago sa ekonomiya at walang awtomatikong pagtaas ng buwis dahil klasipikasyon lamang ang magbabago. Upang matugunan ang dumaraming bilang ng e-trike, e-bike, at nasa 1,500 tradisyonal na tricycle, magbubukas ang pamahalaan ng mga bagong ruta at magtatalaga ng karagdagang yunit sa bawat ruta dahil puno na ang CBD 1. Sa usaping agrikultura, binigyang-diin na 19 porsyento lamang ng kabuuang lupang agrikultural sa Naga ang aktibong ginagamit sa pagsasaka, kaya mahalagang pigilan ang labis na land conversion at palaganapin ang urban gardening para sa seguridad sa pagkain.

Tinalakay din ni Dr. Amante Ama, Dekano ng BISCAST, ang banta ng El Niño na nagmula sa abiso ng DOST-PAGASA at inaasahang magpapatuloy hanggang sa unang kalahati ng 2027. Nagdudulot ito ng mas mainit na temperatura, pagbaba ng antas ng tubig sa mga dam, banta sa kalusugan tulad ng dehydration at heat stroke, at malaking pinsala sa agrikultura. Bilang solusyon at aksyon, iminungkahi ang pagtitipid at pag-iimbak ng tubig, paggamit ng rainwater harvesting at solar-powered irrigation, wastong pagpaplano ng iskedyul ng pagtatanim, paggamit ng mulch, at pag-utilisa sa mga pinagkukunan ng tubig gaya ng Malabsay Falls.

Nagbahagi rin si Dr. Dulce Maria Abigail Alto Jastio ng mga paraan ng urban gardening tulad ng pagtatanim ng microgreens na maaaring anihin sa loob ng 4 hanggang 7 araw, hydroponics, vertical o horizontal gardening, at raised plots.

Samantala, tinalakay naman ni Dr. Glenn Redecilla ang kahinaan at mahalagang papel ng mga marginalized sector tulad ng mga magsasaka, kababaihan, PWD, solo parents, at senior citizens sa harap ng pagbabago ng klima, at ininukala ang limang estratehiya na kinabibilangan ng tamang datos, partisipasyon, pondo, pagpapahusay ng kakayahan, at sapat na proteksyon.

Nagtapos ang forum sa pamamagitan ng isang Urban Agriculture Workshop na pinamagatang Grow Food, Cut Waste, Save Water sa pangunguna ni Engr. Abi Jastio, kung saan tinukoy ng mga sektor ang mga potensyal na lugar sa lungsod para sa mga urban garden at nagtapos sa presentasyon ng mga output at pangwakas na pananalita. | 𝘙𝘦𝘱𝘰𝘳𝘵 𝘢𝘯𝘥 𝘱𝘩𝘰𝘵𝘰𝘴 𝘧𝘳𝘰𝘮 𝘋𝘶𝘭𝘤𝘦 𝘔𝘢𝘳𝘪𝘢 𝘈𝘣𝘪𝘨𝘢𝘪𝘭 𝘈. 𝘑𝘢𝘴𝘵𝘪𝘰

Share on facebook
Share on twitter

Related News