Pinangunahan ng Sentro ng Wika, Sining, at Kultura (SWKS) ng Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA) ang Pampublikong Konsultasyon Kan Nirebisang Ortograpiyang Bikol ngayong Nobyembre 5, 2025, sa SWKS Bulwagang Pantanghalan.
Ito ay inorganisa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pamumuno ni Komisyoner Atty. Marites Barrios-Taran, katuwang ang mga direktor ng Sentro ng Wika at Kultura mula sa iba’t ibang State Universities and Colleges (SUCs) sa rehiyon ng Bicol. Kabilang sa mga lumahok na paaralan ang CBSUA, Bicol University, Sorsogon State University, Catanduanes State University, at Camarines Norte State College. Dumalo rin ang mga guro mula sa Department of Education at mga kinatawan mula sa mga nabanggit na institusyon.
Sa pang umagang sesyon, tinalakay ni Dr. Felisa Marbella ang paksa ukol sa Mga Grafema, sinundan ni Dr. Ryan S. Rodriguez na nagbahagi tungkol sa Mga Panundon sa Ispeling. Ibinahagi naman ni Dr. Leopoldo R. Transona Jr. ang kanyang kaalaman hinggil sa Mga Panundon sa Silaba, samantalang tinalakay ni Dr. Jovert R. Balunsay ang Mga Panundon sa Ispeling kan mga Tataramon na Taal na Bikol.
Matapos ang mga presentasyon, nagkaroon ng malayang talakayan kung saan aktibong nakibahagi ang mga kalahok. Ibinahagi nila ang kanilang mga tanong, mungkahi, at obserbasyon upang higit pang malinawan ang mga puntong tinalakay ng mga tagapagsalita.
Sa hapon, ipinagpatuloy ang mga diskusyon sa mga karagdagang paksa. Ibinahagi ni Prop. Benita Balla-Hugo ang Ispeling kan mga Subling Tataramon, habang tinalakay ni Dr. Evelyn Oliquino ang Mga Dugang na Panundon. Tulad ng sa umaga, nagkaroon din ng bukas na talakayan upang mabigyang-puwang ang mga katanungan at paglilinaw ng mga kalahok.
Isa sa mga tampok na bahagi ng buong programa ay ang pormal na paglulunsad ng Ortograpiyang Rinkonada at Sorsoganon, na pinangunahan ni G. Ryan De La Torre, ang Project Leader ng nasabing proyekto.
Sa kabuuan, naging makabuluhan at matagumpay ang konsultasyon. Isa itong malaking hakbang tungo sa mas malinaw at mas pinag-isang paggamit ng wikang Bikol, isang wikang patuloy na pinayayabong ng mga institusyon at mamamayan ng rehiyon.












