CBSUA, NAGSAGAWA NG APAT NA ARAW NA PAGSASANAY SA BAMBOO PRODUCTION

Bilang bahagi ng pagpapalawak ng mga programang pangkabuhayan at pagsusulong ng sustenableng agrikultura, matagumpay na isinagawa ng Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA), sa pangunguna ng CBSUA Bamboo Center at Extension Division, ang BALA: Bamboo Agribusiness and Livelihood Advancement, isang komprehensibong bamboo production training na ginanap mula Agosto 3 hanggang 6, 2026 sa CBSUA Agriville and Learning Hub.

Dinaluhan ang pagsasanay ng mga faculty, estudyante, kinatawan ng komunidad, at mga benepisyaryo ng Department of Labor and Employment (DOLE)-TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers).

Tinalakay sa training ang mga pangunahing aspeto ng bamboo production, kabilang ang pagpili ng species, produksyon ng planting materials, pagtatatag at pamamahala ng bamboo plantation, clump management, harvesting, at mga oportunidad sa bamboo agribusiness.

Pinangunahan ang programa nina Engr. Dulce Maria Abigail Jastio, PhD, Project Manager ng CBSUA TUPAD CONVERGE, at Nestor L. Gaurana Jr., Direktor ng CBSUA Bamboo Center, sa pakikipagtulungan ng College of Economics and Management, College of Agriculture and Natural Resources, at Office of the Vice President for Research and Innovation.

Sa unang araw ng pagsasanay, tinalakay nina Florentino O. Tesoro, Carolyn Marie Casin-Garcia, Gregorio Santos Jr., at Robert A. Natividad ang mga paksa hinggil sa katangian at benepisyo ng kawayan, financial benefits, nursery at produksyon ng planting materials, bamboo plantation establishment, at clump management at harvesting.

Isinagawa naman noong Agosto 4 ang hands-on training sa bamboo propagation kung saan aktuwal na isinagawa ng mga kalahok ang pagpili ng species, pagkolekta ng mother culms, paghahanda ng one-node propagules, paggamit ng rooting hormone, at potting gamit ang iba’t ibang growing media.

Sa pangatlong araw, nagsagawa ng field demonstrations sa bamboo plantation establishment, kabilang ang lay-outing, staking, brushing, hole digging, planting, mulching, fertilization, monitoring, at maintenance ng bamboo plantation.

Kasunod nito ang demonstration sa clump management at harvesting, kung saan ipinakita ang wastong paglilinis ng paligid ng bamboo clumps, pruning, thinning, pagtanggal ng patay at tuyong culms, at tamang pamamaraan ng pag-aani.

Isinagawa rin ang Planning Workshop kung saan bumuo ang bawat kalahok ng individual re-entry plan na naglalaman ng mga hakbang kung paano nila mailalapat ang mga natutunan sa kanilang mga komunidad, kabilang ang pagtatatag ng nursery, pagpaparami ng planting materials, at pagpapaunlad ng bamboo plantations.

Sa huling araw, ipinagpatuloy ng mga kalahok ang pagkolekta ng iba’t ibang uri ng kawayan na gagamitin upang makumpleto ang 10 varieties na itatatag sa bamboo nursery sa loob ng CBSUA Agriville and Learning Hub.

Nagtapos ang programa sa feedback and sharing of lessons learned, kung saan ibinahagi ng mga kalahok ang kanilang karanasan at mga planong isasagawa matapos ang training.

Sa kanyang pangwakas na mensahe, binigyang-diin ni Robert A. Natividad, Presidente ng Bamboo Professionals, Inc., ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng akademya, pamahalaan, at pribadong sektor sa pagpapaunlad ng bamboo industry para sa food security, environmental sustainability, climate resilience, at kabuhayan. 𝘜𝘭𝘢𝘵 𝘮𝘶𝘭𝘢 𝘬𝘢𝘺 𝘈𝘷𝘦𝘨𝘢𝘪𝘭 𝘛𝘦𝘮𝘱𝘰𝘳𝘢𝘭, 𝘮𝘨𝘢 𝘭𝘢𝘳𝘢𝘸𝘢𝘯 𝘮𝘶𝘭𝘢 𝘬𝘢𝘺 𝘑𝘢𝘺𝘴𝘰𝘯 𝘔𝘰𝘷𝘪𝘭𝘭𝘢

 

Share on facebook
Share on twitter

Related News