Dalawampu’t limang miyembro ng mga lokal na Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) sa Bicol Region ang nakatanggap ng pagsasanay sa ItikPINAS egg production and processing na isinagawa ng Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA) katuwang ang Department of Agriculture–Agricultural Training Institute Regional Training Center V (DA-ATI V) noong Agosto 11–13, 2026.
Isinagawa ang tatlong araw na “Eggciting Enterprise: A Training on Mallard Duck Production and Processing (Batch 2)” sa Villa Rosita Hotel, Naga City, at sa CBSUA Animal Science Building, kung saan ibinahagi ng CBSUA ItikPINAS Project Team at College of Agriculture and Natural Resources (CANR)–Animal Science Unit ang mga teknolohiya at pamamaraan sa produksyon at pagproseso ng itlog ng ItikPINAS.
Tinalakay sa pagsasanay ang wastong pamamaraan sa brooding, rearing, breeding, laying, egg harvesting, sanitation, at biosecurity upang mapahusay ang pangangalaga at produksyon ng mga itik.
Nagkaroon din ng aktuwal na demonstrasyon sa pagproseso ng itlog ng ItikPINAS, kabilang ang paggawa ng itlog na maalat, na nagbigay sa mga kalahok ng praktikal na kaalaman na maaari nilang magamit sa kanilang mga sakahan at kabuhayan.
Nagsilbing mga resource speaker ang mga guro mula sa CANR–Animal Science Unit sa pangunguna ni Mr. Mark Anthony Ampongan, ItikPINAS Project Leader, katuwang ang DA-ATI V.
Bahagi ang pagsasanay ng mga extension initiative ng CBSUA na naglalayong maibahagi sa mga magsasaka ang mga kaalaman at teknolohiyang maaaring gamitin sa produksyon at pagbuo ng dagdag na pagkakakitaan mula sa sektor ng agrikultura. | 𝘮𝘨𝘢 𝘭𝘢𝘳𝘢𝘸𝘢𝘯 𝘢𝘵 𝘶𝘭𝘢𝘵 𝘮𝘶𝘭𝘢 𝘴𝘢 𝘝𝘗𝘙𝘐



