Matagumpay na idinaos ng Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA)–Pili Campus ang gawaing kulminasyon para sa Buwan ng Wika 2026 noong Agosto 28 sa Sentro ng Wika, Kultura, at Sining (SWKS) Building, na may temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”
Kabilang sa mga pangunahing bahagi ng programa ang Usapang Wika, koronasyon ng Mutya at Lakan ng Kultura at Sining, at Pista sa Nayon, na isinagawa bilang bahagi ng buong-araw na pagdiriwang. Itinampok din sa umaga ang mga patimpalak sa Pagsulat ng Sanaysay at Paggawa ng Islogan.
Bago ang mga pangunahing gawain, isinagawa ang Misa ng Pasasalamat bilang panalangin para sa matagumpay na pagdaraos ng mga aktibidad ng Buwan ng Wika. Nakibahagi rito ang mga guro at mag-aaral mula una hanggang ikaapat na taon na nagpapakadalubhasa sa Filipino, kasama ang mga organisasyong nasa ilalim ng SWKS.
Kabilang sa mga organisasyong lumahok ang CBSUA Chorale, Teatro Ladawan, Literary and Communication Arts Guild (LCAG), Tanglaw ng Sining Biswal (TSB), Indayog, Film and Media Arts (FAMAS), Kapisanan ng mga Mag-aaral na Nagpapahalaga sa Panitikan (KMNP), at Samahan ng mga Tagapagtaguyod ng Wikang Filipino (SATAWFIL).
Pinangunahan ng Kapisanan ng mga Alagad ng Wika, Kultura, at Sining (KAWKS) ang gawain kasama ang KMNP, SATAWFIL, TSB, at LCAG, sa ilalim ng patnubay ni Dr. Leopoldo R. Transona Jr., Direktor ng SWKS.
Bahagi rin ng programa ang pagpupugay kay Dr. Alberto N. Naperi, Pangulo ng Unibersidad, at kay Dr. Lourdes Bascuña, dating Direktor ng SWKS, bilang pagkilala sa kanilang ambag at paglilingkod sa pamantasan at sa Sentro ng Wika, Kultura, at Sining.
Sa Pista sa Nayon, ipinakita ng mga kalahok ang iba’t ibang pagkaing sumasalamin sa kulturang Pilipino, na sinundan ng paghusga at pagpaparangal sa mga nagwagi.
Sa pamamagitan ng mga patimpalak, pagtatanghal, talakayan, at iba pang gawain, binigyang-diin ng pagdiriwang ang paggamit ng wikang Filipino sa edukasyon, pananaliksik, kultura, at malikhaing pagpapahayag, kasabay ng pagtalakay sa papel nito sa panahon ng artipisyal na intelihensiya at mabilis na paglaganap ng impormasyon.









