CBSUA, NAGPAMALAS NG GALING SA PISTA NG SINING AT KULTURA 2026

Ipinamalas ng mga mag-aaral ng Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA) ang kanilang natatanging talento at pagpapahalaga sa sining at kultura sa ginanap na Pista ng Sining at Kultura 2026 bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining noong Pebrero 18, 2026 sa unibersidad.

Pinangunahan ng Direktor ng Sentro ng Wika, Kultura at Sining (SWKS) na si Dr. Leopoldo R. Transona Jr. ang buong-araw na selebrasyon na dinaluhan ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang kolehiyo, mga organisasyong pangkultura sa ilalim ng SWKS, mga guro, at mga opisyal ng pamantasan. Layunin ng aktibidad na maipakita at mapagyaman ang malikhaing kakayahan ng mga kabataan at maitaguyod ang pagpapahalaga sa sining bilang mahalagang bahagi ng pagkakakilanlang Pilipino.

Sinimulan ang programa sa mga paligsahang pampanitikan at biswal na sining kung saan ipinamalas ng mga kalahok ang husay sa pananalita, pagsulat, at paglikha ng mga obrang biswal na sumasalamin sa kultura at karanasan ng pamayanan. Tampok sa mga likhang sining ang mga temang nakaugat sa lokal na identidad, kalikasan, at tradisyong Pilipino.

Pagsapit ng hapon ay isinagawa ang mga paligsahang musikal na binubuo ng instrumental performances, vocal competitions, at sayaw, na lalong nagbigay-buhay sa entablado sa pamamagitan ng makukulay at masisiglang pagtatanghal ng mga mag-aaral. Ipinakita ng mga kalahok ang kanilang kahusayan sa pag-awit, pagtugtog, at koreograpiya na umani ng paghanga mula sa mga manonood.

Naging tampok ng gabi ang pinakahihintay na patimpalak na Mr. and Ms. PASUC (Philippine Association of State Universities and Colleges), kung saan ipinamalas ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang kolehiyo ang talino, talento, at adbokasiya sa sining at kultura. Ang patimpalak ay hindi lamang pagpapakita ng pisikal na kaanyuan kundi pati ng kumpiyansa, talas ng pag-iisip, at pagpapahalaga sa pamana ng bayan.

Sa kabuuan, naging makulay at makabuluhan ang Pista ng Sining at Kultura 2026 na nagsilbing entablado ng malikhaing pagpapahayag at pagkakaisa ng pamayanang CBSUA. Patunay ang matagumpay na pagdiriwang na patuloy na pinagyayaman ng unibersidad ang sining at kultura bilang mahalagang puwersa sa paghubog ng kamalayan, identidad, at pagmamalasakit ng kabataang Pilipino sa kanilang pamana.

 

Share on facebook
Share on twitter

Related News