Bilang bahagi ng implementasyon ng extension project nitong ABAKADA: Isang Short-Term Course sa Pagbasa, nakipagtulungan ang Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA), sa pamamagitan ng College of Development Education (CDE) at Extension Services Division (ESD), sa Sangguniang Barangay, Sangguniang Kabataan ng Caroyroyan, at Lokal na Pamahalaan ng Pili sa pormal na pagbubukas ng Brgy. Reading Hub noong Hunyo 27, 2026, sa Brgy. Caroyroyan, Pili, Camarines Sur.
Ang Brgy. Reading Hub, na itinatag ng Sangguniang Barangay ng Caroyroyan bilang suporta sa implementasyon ng programang “Tara, Basa Kita Pag Sabado” ng unibersidad, ay magsisilbing isang pampamayanang sentro ng pagkatuto na naglalayong isulong ang literasiya sa mga bata. Kasabay ng inagurasyon nito ang pormal na paglulunsad ng “Tara, Basa Kita Pag Sabado,” isang inisyatiba sa ilalim ng proyektong ABAKADA: Isang Short-Term Course sa Pagbasa, na naglalayong linangin ang kultura ng pagbasa sa mga kabataan habang pinalalakas ang pakikilahok ng komunidad sa pagpapaunlad ng literasiya.
Sinimulan ang programa sa pambungad na mensahe ni Hon. Jerry C. Canave, Punong Barangay ng Caroyroyan, na sinundan ng paglalahad ng layunin ng programa ni Dr. Raquel M. Reapor, Project Leader ng ABAKADA. Dumalo rin sa okasyon at nagbigay ng kanilang mga mensahe ng suporta at inspirasyon sina Hon. Nelson S. Legacion, Kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Camarines Sur; G. Alvin De Mesa, Personal Assistant at kinatawan ni Hon. Maria Roxanne R. Nayles, Sangguniang Bayan Councilor at Chair ng Committee on Education; Gng. Abigael Rose F. Bobis, RAgr, Unit Head ng Planning, Monitoring, and Evaluation Unit at kinatawan ni Gng. Abigail V. Guinoo, MSc, RAgr, Director ng CBSUA Extension Services Division; at Mr. Israel Hepolito, kinatawan ni Gng. Rosephine R. Sertan, RSW, Municipal Social Welfare and Development Officer. Sa kanilang mga mensahe, ipinahayag nila ang kanilang suporta at paghikayat sa patuloy na pagpapatupad ng inisyatibang pangkomunidad.
Samantala, muling pinagtibay ni Hon. Jerry P. Veras ang pangako ng komunidad sa pagpapatupad ng programang “Tara, Basa Kita Pag Sabado,” habang nagbigay naman ng pangwakas na mensahe si Gng. Elena G. Ate, Pangulo ng Samahan ng Parent Reading Tutors.
Pormal na pinasinayaan ang Brgy. Reading Hub sa pamamagitan ng ribbon-cutting ceremony na pinangunahan ni Hon. Nelson S. Legacion, kasama sina G. Alvin De Mesa, G. Israel Hepolito, Hon. Jerry C. Canave, Gng. Abigael Rose F. Bobis, RAgr, Hon. Rodel P. Veras, Dr. Raquel M. Reapor, at Hon. Willy M. Cepe Jr., Chairperson ng Sangguniang Kabataan ng Caroyroyan. Ang seremonyang ito ay hudyat ng pormal na pagbubukas ng isang pampamayanang sentro ng pagkatuto na magsisilbing tahanan ng iba’t ibang gawaing pampagbabasa at pang-edukasyon para sa mga bata.
Matapos ang inagurasyon, isinagawa ang Seminar sa Estratehiya at Metodolohiya sa Pagtuturo ng Pagbasa, na nagbigay sa mga magulang, boluntaryo, guro, at iba pang miyembro ng komunidad ng mga praktikal na pamamaraan sa pagpapalawak ng kasanayan sa pagbasa ng mga bata. Tinalakay ni Ms. Diana Jane Barretto-Almonte, Project Leader ng CHAT, ang paksang “Ang Kahandaang Pisikal, Mental, Emosyunal at Sosyal ng mga Bata (Grades 1–3) sa Pagbasa,” kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng kabuuang kahandaan ng mga bata sa pagkatuto ng pagbasa. Sinundan ito ng talakayan ni Dr. Raquel M. Reapor tungkol sa mga epektibo at learner-centered na estratehiya sa pagtuturo ng pagbasa, na nagbigay sa mga kalahok ng mga praktikal na teknik na maaari nilang gamitin sa paggabay sa mga batang mambabasa.
Higit pa sa pagbubukas ng isang pasilidad, ang Brgy. Reading Hub ay sumisimbolo sa nagkakaisang adhikain ng CBSUA, Sangguniang Barangay ng Caroyroyan, Sangguniang Kabataan ng Caroyroyan, Lokal na Pamahalaan ng Pili, at ng buong komunidad na gawing mas abot-kamay at makabuluhan ang pagbabasa para sa bawat bata. Sa pamamagitan ng patuloy na pagtutulungan at aktibong pakikilahok ng komunidad, higit na napagtitibay ang iisang layunin ng mga katuwang na linangin ang mga habambuhay na mambabasa at mapalakas ang pagpapaunlad ng literasiya sa antas ng pamayanan. | 𝘜𝘭𝘢𝘵 𝘢𝘵 𝘓𝘢𝘳𝘢𝘸𝘢𝘯 𝘮𝘶𝘭𝘢 𝘬𝘢𝘺 𝘉𝘣. 𝘡𝘺𝘳𝘢 𝘉. 𝘏𝘪𝘭𝘢




























