Inilunsad ng Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA), sa ilalim ng ABAKADA Project, ang “Tara, Basa Kita Pag Sabado” noong Hulyo 4, 2026 sa bagong bukas na Reading Hub sa Barangay Caroyroyan, Pili, Camarines Sur, bilang bahagi ng inisyatibang palakasin ang literasiya ng mga batang nasa komunidad.
Pinangunahan ang aktibidad ni Dr. Raquel M. Reapor, Project Leader ng ABAKADA Project sa ilalim ng College of Development Education (CDE), katuwang ang Extension Services Division (ESD), Sangguniang Kabataan (SK), at Sangguniang Barangay ng Caroyroyan.
Bilang panimula ng programa, isinagawa ang pagsusuri sa kasanayan sa pagbasa ng mga batang kalahok upang matukoy ang kanilang kasalukuyang antas sa pagbasa. Magiging batayan ang resulta nito sa pagbibigay ng naaangkop na interbensiyon para sa bawat bata, sa mga susunod na sesyon ng proyekto.
Kasabay nito, natapos na rin ng mga magulang ang kanilang pagsasanay sa ilalim ng ABAKADA Project at inaasahang magsisilbi bilang community reading tutors sa mga susunod na reading sessions. Isinagawa ang programa sa bagong Reading Hub na magsisilbing lugar para sa mga gawaing may kaugnayan sa pagbabasa at iba pang aktibidad pang-edukasyon sa barangay.
Bahagi ang ABAKADA Project ng Tara Magturuwangan Kita Extension Program ng CDE, sa pakikipagtulungan ng ESD, na naglalayong mailapit ang mga programang pang-edukasyon at pang-ekstensiyon sa mga komunidad sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na sektor. | 𝘔𝘨𝘢 𝘭𝘢𝘳𝘢𝘸𝘢𝘯 𝘢𝘵 𝘶𝘭𝘢𝘵 𝘮𝘶𝘭𝘢 𝘬𝘢𝘺 𝘡𝘺𝘳𝘢 𝘉. 𝘏𝘪𝘭𝘢








