Nakibahagi ang Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA) sa 2nd Regional Cluster Summit ng Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program ng Department of Agriculture Regional Field Office 5 (DA RFO 5), na ginanap noong Agosto 19–21, 2026, sa Robinsons Naga Atrium.
Tampok sa aktibidad ang mga produkto at teknolohiyang pang-agrikultura ng CBSUA na bunga ng mga pananaliksik at programang naglalayong makatulong sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga magsasaka sa rehiyon.
Kabilang sa mga ipinakilala ng Unibersidad ang stingless beekeeping o pag-aalaga ng kalulot o bubuyog na likas na matatagpuan sa rehiyong Bikol at maaaring magsilbing karagdagang pagkakakitaan ng mga magsasaka. Ibinida rin ang mga produktong mula sa propolis ng kiwot, ang RMS Complementary Food na naglalayong makatulong sa paglaban sa malnutrisyon, at iba pang produktong mula sa Organic Agriculture Center (OAC), Regional Apiculture Center (RAC), at Child Food Processing Facility (CFTC) ng Department of Food Science ng College of Economics and Food Science (CEFS).
Naging bahagi rin ang CBSUA sa paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang DA RFO 5, mga kooperatiba, at iba pang ahensya para sa pagbuo ng Agro-Enterprise Clustering Approach (AECA) Site Working Group. Layunin nitong pagtibayin ang ugnayan ng mga ahensya at institusyon sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga magsasakang kabilang sa mga klaster batay sa kanilang pangunahing produktong agrikultural.
Patuloy ang pakikiisa ng CBSUA sa mga inisyatibo ng DA RFO 5 na naglalapit ng pananaliksik at teknolohiya sa mga magsasaka at iba pang sektor ng agrikultura sa rehiyon. | 𝘮𝘨𝘢 𝘭𝘢𝘳𝘢𝘸𝘢𝘯 𝘢𝘵 𝘶𝘭𝘢𝘵 𝘮𝘶𝘭𝘢 𝘬𝘢𝘺 𝘔𝘢𝘳𝘬 𝘙𝘦𝘯𝘻𝘰 𝘔𝘦𝘯𝘥𝘰𝘻𝘢







